Epektibo na hanggang Mayo 15 ng kasalukuyang taon o sa loob ng 60 araw ang ipinatutupad na price freeze para sa mga pangunahing bilihin sa bansa.
Ito ang inihayag ni Trade and Industry Secretary Ramon Lopez kasunod ng deklarasyon ng state of public health emergency ng Pangulo noong Marso 8 at state of calamity sa buong bansa nitong Marso 16.
Sa ilalim aniya ng joint memorandum circular ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA) at department of Health (DOH), sakop ng prize freeze lahat ng mga ibinebentang basic commodities maging sa online.
Dagdag ni Lopez, magkakaroon din ng composite team ang tatlong nabanggit na ahensiya para mas mapaigting ang pagbabantay laban sa over pricing at matiyak na nasusunod ang price ceiling sa mga pangunahing produkto o pangangailan.
Maaari din aniyang irekomenda ng mga nabanggit na ahensiya ang pagpapalawig ng price freeze sakaling tumagal pa ang maging epekto ng corona virus disease 2019 (COVID-19)sa bansa.
Binalaan rin ni Lopez ang lahat ng mga indibiduwal o korporasyon na lalabag sa price act.