Nanawagan ang consumer group sa pamahalaan kaugnay sa maigting na pagpapatupad ng price freeze sa Luzon.
Ayon kay Vic Dimagiba, Presidente ng Laban Konsyumer, kailangan ng koordinasyon sa bawat ahensya ng gobyernong nagbabantay ng galaw ng presyo ng mga bilihin para sa monitoring kung nagagawa ba ang mandatong kanilang ipinatutupad.
Ani Dimagiba, walang nahuhuli o hindi nadidisiplina ang mga negosyanteng nanamantala at hindi sumusunod kapag mayroong ipinatutupad na price freeze.
Gayong nakasaad naman aniya sa batas na kapag lumampas sa itinakdang Suggested Retail Price ay pwedeng hulihin ang nagtitindang lumabag.
Kaya naman ngayon aniya ay sunod-sunod na ang pagtaas ng presyo ng karne, manok, gulay at isda.
Noong november 2020 nang otomatikong ipatupad ang price freeze sa mga pangunahing bilihin matapos ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang state of calamity sa Luzon dahil sa pananalasa ng mga nakalipas na bagyo.