Inihain sa kamara ng grupong Makabayan Bloc ang mahigpit na pagpapatupad ng “price-freeze” sa mga pangunahing bilihin sa gitna ng ika-8 beses na big-time oil price hike sa bansa.
Sa inihaing House Resolution No. 2310, layunin nitong mapigilan ang mataas na presyo sa mga bilihin sa merkado sa loob ng 60 araw o dalawang buwan hanggang sa nobyembre 9.
Ayon sa grupong Makabayan Bloc, sunod-sunod kasi ang pagkawala ng puhunan at kita ng mga magsasaka habang isinailalim naman sa state of calamity ang ilang mga lugar sa bansa partikular na sa bahagi ng Luzon dulot ng pananalasa ng bagyong Maring kaya hirap makabangon ngayon ang ilang mga magsasaka at mangingisda.
Matatandaang dahil sa mataas na presyo na ibinababa ng mga oil companies sa bansa ay mas tumaas pa ang presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Alinsunod sa Proclamation 1218, magiging sakop sa hiling na automatic price freeze ay ang mga bigas, delata, gulay at mantika sa loob ng 2 buwan. —sa panulat ni Angelica Doctolero