Iginiit ng kumpanyang Grab Philippines na walang nangyayaring manipulasyon sa pagtaas ng booking prices ng kanilang ride hailing transport service ngayong holiday season.
Ayon kay Bryan Cu, head ng Grab Philippines, ang pagtaas ng presyo ay bunsod ng pagtaas ng demand.
Aniya, ngayong paparating na kapaskuhan kasi ay mas madami ang bilang ng mga nag bo-book na pasahero kaysa sa bilang ng Grab drivers.
Paliwanag ni Cu, sa mga ganitong panahon ay nakapagtala sila ng 700,000 hanggang 800,000 na booking requests kada araw, samantalang aabot lamang sa 35,000 hanggang 36,000 ang bilang ng kanilang drivers na bumabyahe sa kalsada.
Dagdag pa ni Cu, dahil dito ay asahan na ng kanilang mga pasahero kung minsan ay higit pa sa doble ng normal na presyo ang booking price sa kanilang app lalo na kung rush hour.
Payo ni Cu sa mga users, hanggat maaari ay subukang mag book sa labas ng rush hour.
Matatandaang nakaraang buwan lamang ng ipagutos ng Philippine Competition Commision sa Grab Philippines ang pag refund ng P5.05-milyon sa mga apektadong pasahero dahil sa umano’y iligal na pagtataas ng presyo ng kanilang serbisyo.