Umapela ng donasyon sa publiko si pakistan Prime Minister Shehbaz Sharif para sa mga naapektuhan ng kalamidad sa kanilang lugar.
Nabatid na umakyat na sa 1,545 ang bilang ng mga nasawi habang pumalo naman sa 12,850 ang mga sugatan matapos ang malawakang pagbaha bunsod ng walang tigil na pag-ulan na dala ng monsoon rains o habagat na nagresulta ng pagkatunaw ng mga yelo mula sa kabundukan at mga ilog.
Ayon kay Sharif, marami sa kaniyang kababayan ang nangangailangan ng tulong partikular na ang mga bata, buntis, at matatanda na umaasang makatanggap ng donasyon, partikular na ang pagkain, tubig, damit, at personal hygiene.
Sinabi ng punong ministro na nasa 33 million katao na ang apektado ng kalamidad sa Pakistan habang aabot naman sa 30 billion dollars ang halaga ng nawasak ng pagbaha kabilang na ang mga bahay at gusali, kalsada, tulay, high value crops, at livestocks.
Sa ngayon, patuloy pang nagsasagawa ng search and rescue operation ang mga otoridad habang namamahagi narin ng mga food packs ang ilang mga ahensya at non-governmental organizations para sa mga apektadong residente.