Itinanggi ni Senador Cynthia Villar na balak ng kanilang kumpanya na Prime Water na mag take-over sa pamamahagi ng tubig sa Metro Manila oras na matapos ang kontrara ng Maynilad at Manila Water.
Ayon kay Villar, isang spekulasyon lang ang mga balita ukol dito at malabo aniyang mangyari ito.
Ang Prime Water aniya ay naka sentro lamang sa mga malalayong probinsya sa Metro Manila.
Dagdag pa nito, walang kakayahan na mag suplay ng tubig sa kalakhang Maynila ang Prime Water dahil kulang ang mga pasilidad nila na nakatayo dito.
Aniya, kahit pa hindi na ma-renew ng Maynilad at Manila Water ang kanilang kontrata sa gobyerno ay hindi rin naman nila ibibigay sa susunod na mag te-takeover ang kanilang mga pasilidad na nakatayo sa Metro Manila.
Bagkus ay kailangang bilhin ng susunod na water provider ang kumpanya ng anuman sa dalawa.
Ang Prime Water Infrastructure ng pamilyang Villar ay ang nagbibigay ng suplay ng tubig sa Camella Homes, na kanila ring pagmamay-ari, sa nakaraang 4 na dekada.