Handa na ang Malacañang sa pagtanggap kay Prince Albert ng Monaco ngayong araw.
Dumating sa bansa kahapon ang prinsipe para sa dalawang araw na state visit bilang pagpapa-unlak sa imbitasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.
Bago bumisita sa Palasyo, magbibigay pugay muna si Prince Albert sa bantayog ng pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal, sa Luneta, Maynila, na karaniwang ginagawa ng mga head of state na bumibisita sa Pilipinas.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, magkakaroon ng bilateral meeting sina Pangulong Aquino at Prince Albert at kabilang sa inaasahang pag-uusapan ang ekonomiya, humanitarian assistance at environmental protection.
Isang masaganang pananghalian naman ang ihahanda ng Palasyo para sa prinsipe bilang hudyat ng pagtatapos ng kanyang pagdalaw sa Malacañang.
By Drew Nacino | Aileen Taliping (Patrol 23)