Pumanaw na ang mister ni Queen Elizabeth II na si Prince Philip.
Kasabay nito, kinumpirma ng Buckingham Palace sa London na biyuda na ang reyna kasunod ng payapang pagyao ng kanyang asawa sa edad na 99 sa Windsor Castle.
Sumailalim umano sa isang procedure ang prinsipe noong nakaraang buwan dahil sa kondisyon sa puso.
Matatandaang ikinasal si Prince Philip kay Princess Elizabeth noong 1947 o limang taon bago siya kinilalang Queen o reyna.
Ang mag-asawa ay nabiyayaan ng apat na anak, walong apo at sampung apo sa tuhod.
Ang kanilang unang anak ay si Prince Charles na ipinanganak noong 1948 at sinundan ito ng kapatid niyang si Princess Anne noong 1950.
Isinilang naman ang isa pa nilang supling na si Prince Andrew noong 1960 habang si Prince Edward na bunso ay ipinanganak noong 1964.
Samantala, nagpaabot ng pakikiramay si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkamatay ni Prince Philip.
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, nakikiisa ang pilipinas sa mga bansa sa buong mundo sa pagluluksa sa pagkawala ng prinsipe ng Britanya.