Pinaalalahanan ng Commission on Elections o COMELEC ang mga board of election tellers o BETs kaugnay sa pagbibigay ng mga priority assistance sa mga senior citizens, PWDs o persons with disability at mga buntis.
Kasunod ito ng mga natanggap na reklamo ng COMELEC mula sa ilang kinatawan ng mga senior citizens na ilang mga nakatatanda ang nahihirapang makaboto.
Ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, hindi lahat ng voting precincts ay merong mga priority lanes, gayunman dapat ay aniya nakaantabay na ang mga guro na tumatayong BET sakaling may mga nakapilang senior citizens, PWDs o buntis para agad na maalalayan.
Kasabay nito, tiniyak ni Jimenez na kanilang makakatulong ang Department of Health at Philippine Red Cross para magbigay-alalay sa mga botante.
Ayon kay Christian Destor ng DOH, bukod sa nakataas ang code alert sa lahat ng ospital sa bansa, naglagay na rin sila ng mga health stations sa mga voting precincts.
Sinabi naman ni Arkie Montano ng Philippine Red Cross, naglatag na sila ng mga first aid stations sa presinto at nag-deploy ng mga volunteers.
Election-related incidents
Kinumpirma ni National Capital Region Police Office o NCRPO Director Chief Superintendent Camilo Cascolan na kakaunti lamang ang naitala nilang insidente may kaugnayan sa barangay at Sangguniang Kabataan o SK elections.
Sinabi sa DWIZ ni Cascolan na sa walong eleksyon na kung saan siya nagsilbing unit commander sa halalang pambarangay ngayong araw na ito lamang sila nakapagtala ng kakaunting election related incidents.
“Ika-walo na po itong eleksyon na naging unit leader ako, saw along eleksyon po ay kokonti lang po ngayon ang threats, pati fake news nga po ay kokonti, wala pong masyadong issues and concerns na ibinabato sa atin.” Ani Cascolan
Muling tiniyak ni Cascolan ang mahigpit na pagbabantay ng PNP laban sa posibleng vote buying ngayong araw na ito.
“Meron po tayong mga team sa mga district na galing sa regions na nagbabantay sa mga vote buying, ito po kung makakahuli sila ay sila mismo ang magfa-file ng kaso.” Pahayag ni Cascolan
—-