Marami sa atin ang takot sa gagamba. Pero kaya mo bang tiisin ang pagkain nito kung mamamatay ka na sa gutom?
Nakakakilabot mang pakinggan, pero sa Cambodia, isa itong putahe na unang nilikha hindi dahil sa kagustuhan, kundi dahil sa pangangailangan.
Sa bayan ng Skuon sa Cambodia nagsimula ang pagpiprito ng tarantula dahil sa kakulangan ng pagkain noong panahon ng Khmer Rouge. Bilang pampalipas gutom, nanghuli ang mga residente rito ng a-ping, isang uri ng tarantula, sa mga kalapit na kagubatan.
Ngayon, isang delicacy na ang fried spider na patok pati sa mga turista.
Madalas binubudburan ng asin at asukal ang gagamba at ginigisa sa bawang.
Ayon sa mga nakatikim na, lasa itong manok. Crispy ang balat, ngunit napakalambot ng laman nito, partikular na sa bandang tiyan dahil sa itlog, dumi, at lamang-loob ng gagamba.
Available sa mga palengke sa Skuon at sa mga kalapit na lugar ang fried spider na nagkakahalaga ng $1 o P55 kada piraso.
Kakaiba man para sa atin, ngunit para sa Cambodians, malaki ang naging tulong ng pritong gagamba upang makaligtas sa dinanas nilang kahirapan.
Ikaw, susubukan mo bang kumain ng pritong tarantula?