Mga pribadong armadong grupo pa rin ang itinuturing na pinakamalaking banta sa Pilipinas sa harap ng malaking banta ng terorismo sa ibang mga bansa.
Ayon kay Col. Restituto Padilla, laganap pa rin ang mga armas na nasa kamay ng mga grupong may iba’t ibang motibo lalo na sa Mindanao.
Gayunman, tiniyak ni Padilla na patuloy ang pagtutulungan nila ng PNP upang mabuwag ang mga armadong grupo lalo na ngayong malapit na ang eleksyon.
“Pag ang pinag-usapan natin ay terorismo yun po ay challenge na ating hinaharap at sinusubukan nating lutasin dahil laganap po ang pagkakalat ng armas lalo na sa isla ng Mindanao.” Pahayag ni Padilla.
ASG
Samantala, nananatiling malaking hamon para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagsugpo sa Abu Sayyaf Group o ASG.
Ayon kay Col. Restituto Padilla, Spokesman ng AFP, bagamat tinatayang nasa 400 na lamang ang miyembro ng ASG, hirap silang matunton ang mga ito dahil humahalo sila sa mga komunidad.
Pinawi ni Padilla ang mga haka-haka na mga miyembro ng ISIS ang ASG.
“Yun po ang challenge kasi kung magkumpul-kumpol lang po sila at magsama-sama lang sa isang lugar naku napakadali pong lutasin ang problema na yan pero dahil nga po kalat-kalat sila at nasa iba’t ibang karatig lugar ng Jolo, pati Basilan at Tawi-Tawi’t Zamboanga yan po ang pinaka challenge.” Ani Padilla.
Kasabay nito, sinabi ni Padilla na patuloy ang ginagawa nilang paghahanap sa katawan ng Malaysian national na pinugutan ng ASG.
Kumbinsido aniya ang AFP na ang pagpugot sa dayuhang kidnap victim ay bunga ng hindi pagkakasundo sa negosasyon hinggil sa ransom money.
“Ang pakiwari po namin ay hindi nagkaayusan sa usapan, kasi mga 2 linggo bago nangyari yun meron pong naging settlement doon isang bihag na Malaysian din na babae at nai-release po ito na hindi namin alam dahil may direct negotiations po na nangyari doon sa mga humahawak sa biktima at doon sa mga nag-negotiate sa kanila at ang naging katulong at katuwang diyan ay ang ilang miyembro ng LGU na hindi nagbigay ng abiso.” Dagdag ni Padilla.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas