Pinalagan din ni Atty. David Narvasa Spokesman ng MRT Holdings 2 na private owner ng Metro Rail Transit ang batikos sa kanila ni Pangulong Noynoy Aquino.
Ayon kay Narvasa, hindi sila dapat sisihin ng Pangulo sa unti-unting pagkasira ng MRT system dahil isinailalim naman nila sa general overhaul ang lahat ng tren at bagon hindi tulad ng Department of Transportation and Communication (DOTC) na tila kinalimutan na rin ang pagbili ng spare parts.
Kung hindi aniya nawala ang Sumitomo Corporation na orihinal na maintenance provider ay hindi sana masisira ang MRT.
“Every 7 years dapat gine-general overhaul ‘yan, 2014 dapat gine-general over na ‘yan ngayon eh, from 2007 to 2009 lahat ng 73 na bangon ay na-overhaul, ‘yun nga nakita na natin kung anong nangyari nung tinake-over nila nung October 19, 2012, ang ipinalit nila ay ‘yung PH Trams CB&T, eh nakita na natin kung ano ang nangyari recently, the rest is history, makikita mo naman kung saan nag-umpisa ‘yung aberya.” Pahayag ni Narvasa.
Operasyon
Huwag kaming i-itsapuwera.
Ito ang apela ng MRT Holdings Two sa DOTC kaugnay ng pagpapatakbo sa operasyon ng MRT 3.
Binigyang diin ni MRT Holdings 2 Spokesperson David Narvasa na hindi dumadaan sa kanila ang mga desisyon ng DOTC gaya ng pagkuha sa PH Trams bilang bagong maintenance service provider ng MRT mula sa dating Sumitomo.
Ipinaalala ni Narvasa na sila pa rin ang kabuuang nagmamay-ari sa MRT kaya’t makipag-ugnayan naman aniya sa kanila sana ang pamahalaan.
Binigyang diin ni Narvasa na noong Sumitomo pa ang maintenance provider ay di naman aniya nararanasan ang palpak na operasyon ng MRT.
Dahil aniya sa gap sa pagitan ng pamahalaan at ng kanilang kumpanya, ang magandang serbisyo para sa mga pasahero ang naisasakripisyo.
By Drew Nacino | Ralph Obina | Kasangga Mo Ang Langit