Nahaharap sa mas malaking gastusin ang mga pribadong paaralan para lamang makasunod sa mga panuntunan ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng new normal.
Kabilang sa mga ginagastusan ng private schools ayon kay Atty. Joseph Noel Estrada, managing director ng Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA) ang pagbili ng mga kinakailangang gamit at pagbibigay ng training sa mga guro.
Sinabi ni Estrada na mandatory ang direktiba ng DepEd na kung mago-online ang isang paaralan kailangang sumunod sa learner management systems at kailangan lahat ng guro ay mayruong laptop at gadget bukod pa sa pagkakaruon ng help desk buong linggo.
Natural lamang naipasa ang mga gastusing ito sa mga magulang kung walang tulong na maibibigay ang gobyerno.
Inihayag ni estrada na kontra ang nasabing polisiya ng DepEd sa apela nito sa private schools na huwag ituloy ang pagtataas ng matrikula gayung apektado rin naman ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic ang mga paaralang ito.
Una nang ipinabatid ng DepEd ang pakikipagpulong nila sa susunod na linggol sa mga pribadong paaralan kaugnay sa checklist na ibinigay nila sa mga ito para sa learning delivery modalities sa learning continuity plan.