Malaya ang private sector at local government units (LGUs) na pumili ng bakunang nais nitong iturok sa kanilang constituents o nasasakupan.
Binigyang diin ito ni National Task Force Chief Implementer Secretary at vaccine czar Carlito Galvez, Jr. matapos makipagpulong sa LCP League of Cities Committee on Vaccine Availment sa pangunguna ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas.
Gayunman, ipinabatid ni Galvez na bahala na ang gobyernong makipagnegosasyon sa mga vaccine company sa ibang bansa.
Bumuo na rin ng mekanismo ang tanggapan ni Galvez para sa pribadong sektor kasama ang mga kumpanya o mga negosyo na nais ding bumili ng bakuna para sa kanilang mga empleyado.
Nakasaad sa mekanismo ang pagpirma sa isang kasunduan o tripartite agreements ng private sector kasama ang national government at vaccine manufacturers
Nakapaloob sa kasunduan kung anong partikular na bakuna ang nais bilhin ng pribadong sektor kung saan 50% nito ay dapat ibibigay na donasyon sa LGUs.
Inihayag ni testing czar Vince Dizon na mahalagang pumasok ang private companies sa tripartite agreement dahil limitado ang mga bakuna at mas makakamura kung magiging government to government ang negosasyon sa pagbili ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).