Ikinukunsidera na ng Department of Transportation (DOTR) na isapribado ang operasyon ng Edsa Bus Carousel, sa harap ng inaasahang pagtatapos ng Libreng Sakay Program sa December 31 ngayong taon.
Plano ng DOTR na ilapit muna ito sa public-private partnership center upang lubusang mapag-aralan.
Ayon kay DOTR Undersecretary Mark Steven Pastor, maaaring magkaroon ng feasibility study na magiging basehan ng gobyerno upang magkaroon ng improvement sa Edsa Busay.
Nasa 30 grupo, kabilang ang Management Association of the Philippines (MAP), ang nananawagan na isapribado ang operasyon ng Bus Carousel pero kaakibat nito ang singilan ng pasahe.
Gayunman, nilinaw ni MAP Transportation and Infrastructure Chairperson Eduardo Yap na dapat kapantay lamang o mas mababa sa MRT at LRT ang pamasahe sa busway.
Bukas din ang Philippine Chamber of Commerce and Industry sa ideyang privatization subalit dapat anilang ayusin muna ang ilang sistema sa busway at tiyaking hindi ito magiging dagdag-pahirap sa mga commuter.