Nagsagawa ng re-enactment ang Police Regional Office 7 sa nangyaring pananambang kay Clarin Misamis Occidental Mayor David Navarro.
Ayon kay PRO 7 Director Brigadier General Valeriano De Leon, lumabas dito na naging mabilis ang mga pangyayari kaya hindi na nagawa pang umaksyon ng mga escort na pulis ng alkalde.
Aniya, hindi na nagawa pang magpapaputok ng baril ng mga police escort ni Navarro dahil natutukan na rin agad ang mga ito ng tinatayang 10 armadong kalalakihan.
Batay sa imbestigasyon, may kasamang mga pulis si Navarro sa sinasakyang police mobile nang mangyari ng pananambang noong Biyernes, isang araw matapos arestuhin ang alkalde dahil sa pambubugbog ng masahista.
Pinagigitnaan din ang sinasakyan ng alkalde ng 2 pang van kung saan sa unahan nakasakay ang ibang miyembro ng Cebu City PNP habang nasa likurang sasakyan ang pamilya Navarro at sarili nitong police escorts.
Samantala, sinabi ni De Leon na kanila nang pinag-aaralan kung itutuloy ang imbestigasyon laban sa mga nag-escort na pulis kay Navarro nang mapaslang ito.— ulat mula kay Jaymark DAgala (Patrol 9)