Naglunsad ng alyansa ang mga grupong nagsusulong ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte para manawagan ng suporta mula sa publiko at mga mambabatas kaugnay sa mga inihaing reklamo sa Kamara.
Pinangunahan ng mga indibidwal na nasa likod ng impeachment complaints ang pagtitipon na tinawag na “Misa ng sambayanan: May kapayapaan kung may pananagutan”.
Kabilang sa mga dumalo sina Sister Lisa Ruedas; Fathers Flavie Villanueva at Joel Sarabia; at Francis “Kiko” Aquino Dee, apo ni dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Sr.
Hindi nabanggit ang pangalan ni VP Sara sa misa, gayunman, nagsalita si Fr. Angel Cortez kaugnay sa impeachment at nanawagan sa publiko na tumindig para sa mga maling ginagawa ng pamahalaan.
Ayon naman kay Fr. Ruedas, responsibilidad ng mga pilipino na kumilos ng may moral obligation at iginiit na dapat managot ang mga may sala ng kasakiman, katiwalian at maling paggamit ng pera ng bayan.
Ginawa ang pagtitipon sa Edsa Shrine, tatlong araw matapos ang ikinasang national rally for peace ng Iglesia ni Cristo. – SA panulat ni Laica Cuevas