Binalaan ni Probinsyano Partylist Representative Alfredo Delos Santos ang publiko kaugnay sa Facebook scams.
Kasunod na rin ito ng mga sumbong kay Delos Santos ng mga nabiktima ng Facebook scams na financial expert worldwide na isang double your money investment scam at pekeng gadget store na Tech House Ph.
Sa sumbong ng OFW na si Paula, nag-remit siya ng isanlibong piso sa financial expert worldwide at naging tatlong libo ito makalipas ang sampung araw kaya’t hinimok niya ang mga kapwa OFW na mag-invest na rin.
Umabot aniya sa 220,000 pesos ang naipadala ng kanilang team Taiwan sa nasabing kumpanya, subalit nitong huling linggo ng Agosto ay hindi na nagparamdam ang founder ng nasabing FB page na si Mike Arais, sa kanilang group chats.
Samantala, ipinabatid ng mga itinago lamang sa pangalang Dennis at Michael na kabilang sila sa 60 na scam ng Tech House Ph na kaagad silang blinock matapos makapagpadala ng pera sa Unionbank sa account ng isang Carlo Palma.
Dahil dito, nanawagan si Delos Santos sa DTI at NBI cybercrime division na tutukan at panagutin ang nasa likod ng mga nasabing pekeng FB pages.