Kinuwestyon sa Korte Suprema ng isang taxpayer ang ilang probisyon ng Family Code of the Philippines na nagbabawal sa same sex marriage sa bansa.
Iginiit ni Jesus Nicardo Falcis III, aminadong miyembro ng Lesbian Gay Bisexual and Transgender Community na labag sa konstitusyon ang itinatakda sa Article 1 at 2 ng Family Code na ang pag-iisang dibdib ay para lamang sa babae at lalaki.
Ayon kay Falcis, ang mga naturang probisyon ay nag-aalis sa kaniya at iba pa ng equal protection of the laws.
Dapat din aniyang ipawalang bisa ang ilang probisyon sa Article 46 at 55 ng Executive Order 209 na nilagdan noong 1987 na nagsasabing basehan sa annulment at legal separation ang pagiging lesbian o homosexual.
Hiniling din ni Falcis sa high tribunal na pigilan ang civil registrar general na siyang respondent sa inihaing petisyon para ipatupad ang Article 1 at 2 ng family code bilang basehan sa pagproseso ng homosexual na gustong kumuha ng lisensyang magpakasal.
By Judith Larino