Kinakailangang maresolba ang problema sa Air Traffic System sa NAIA para maiwasan ang nangyaring technical glitch nitong nakalipas na January 1 na naka perhuwisyo sa mahigit 60,000 pasahero.
Binigyang diin ito ni dating CAAP Chief at Energy secretary Alfonso Cusi sa gitna na rin nang ikinasang imbestigasyon ng Senado at Kamara sa nangyaring aberya sa NAIA Terminal 3 dahilan kayat naparalisa ang operasyon ng paliparan sa loob ng mahigit anim na oras.
Bilang dating CAAP Chief, sinabi ni Cusi na hindi madaling i maintain ang mga kagamitan ng paliparan at dapat na nakabatay ito sa international standards.
Ang sistema aniyang ginagamit sa paliparan ay mula sa technology at supervision ng Japan International Cooperation Agency (JICA) kaya’t hindi ito dapat magka aberya.
Una nang inihayag ng Malacañang na iniimbestigahan na ng ilang ahensiya ng gobyerno ang insidente upang mabatid kung saan at ano ang pinagmulan ng aberya at kung mayroon bang dapat na managot sa insidente.
Nagsagawa na rin ng inspeksiyon ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa NAIA T3 noong nakalipas na Biyernes kasabay nang pagbinigay ng briefing sa kanya ng airport officials hinggil sa nangyaring insidente.