Bigo ang Department of Justice (DOJ) na ipaglaban sa cabinet meeting ang hinggil sa problema ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI).
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, bunga ito ng paninindigan ni Budget Secretary Benjamin Diokno na mareresolba ang problema sa pagkuha nila ng walong daan at walumput pitong (887) dagdag na tauhan ng Immigration.
Sinabi ni Aguirre na malayong malayo pa ito sa apat na libong (4,000) tauhan ng Immigration na kanilang kinakailangan upang mabawasan ang pagpapa-overtime sa empleyado.
Una rito, sinasabing umaabot na sa mahigit sa tatlumpung (30) Immigration personnel ang nagbitiw sa kanilang posisyon samantalang nasa limampu (50) di umano ang naghain ng kanilang anim na buwang leave na dahilan kung bakit sobra-sobrang nababalam ang libo-libong pasahero na lumalabas at pumapasok sa bansa.
Inirereklamo ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang kabiguan ng ahensya na bayaran ang kanilang overtime.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre
Enough personnels
Sapat ang ide-deploy na dagdag na Immigration officers sa naia para maiwasan na ang mahabang pila ng mga pasahero lalo nat marami ang inaasahang maglalabasan ng bansa sa susunod na linggo.
Ipinabatid sa DWIZ ni Atty. Antonette Mangrobang, Spokesperson ng Immigration na pitumpung (70) Immigration officers nila mula sa kanilang mismong tanggapan at district offices ang hinugot nila para mag-serbisyo sa NAIA simula ngayong linggo.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni BI Spokesperson Antonette Mangrobang
Kasabay nito ay humingi ng paumanhin ang Immigration Bureau sa mga pasaherong naabala dahil sa mabagal na usad ng pila sa Immigration counters sa NAIA.
Sinabi sa DWIZ ni Atty. Antonette Mangrobang na gagawin nila ang lahat para matiyak ang agarang immigration service na kailangan ng mga pasahero sa NAIA.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni BI Spokesperson Antonette Mangrobang
By Len Aguirre | Judith Larino | Balitang Todong Lakas | Ratsada Balita (Interviews)