Sinimulan na ni House Committee on Ways and Means chair Joey Salceda ang pag-aaral kung anong economic strategies ang ikakasa para maisalba ang eknomiya ng bansa sa kabila ng epekto ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Salceda na kinukunsulta na siya ng mga opisyal ng gobyerno at pribadong sektor at patuloy naman siyang nagpapadala ng report para sa pagbuo ng economic stimulus plan.
Inirekomenda ni Salceda na mag focus muna sa short term na aspeto ng stimulus plan at ito ay pagpapalakas sa private sector at pagtitiyak na mananatili ang mga ito sa kabila ng epekto ng COVID-19 pandemic.
Nanghihinayang naman si Salceda sa hindi pagkaka apruba ng Kongreso sa package 2 ng Tax Reform Bill o Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act dahil ilang bahagi sana ng stimulus program ay mula rito.
Samantala, ikinatuwa naman ni Salceda ang kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte sa gabinete na ikasa na ang emergency subsidy program na P5,000 hanggang P8,000 piso kada buwan kung saan isinama na rin dito ang ilang sektor tulad ng tricycle drivers at mga buntis.
Sinabi ni Salceda, isa sa mga co-author ng Bayanihan Act, na ang mabilis na pamamahagi ng ayuda sa mga pamilya ay makakatulong para mapanatili sa loob ng mga tahanan ang mga ito at maiiwasan ang paglabag sa enhanced community quarantine.