Tatangkain ng LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board na resolbahin ang problema sa Grab, Uber at kahalintulad na platform hanggang sa Setyembre.
Ayon kay Atty. Aileen Lizada, Board Member at Spokesperson ng LTFRB, ang naging problema sa Grab at Uber ay ang kawalan ng batas na sasakop dito at hindi pagsunod ng mga nabanggit na platforms sa hinihingi sa kanilang requirements ng LTFRB.
Aminado si Lizada na libo-libo pang aplikasyon ng mga sasakyang pumasok sa sistema ng Grab at Uber ang nakabinbin sa kanilang tanggapan.
Gayunman, hindi naman aniya ito maaksyunan dahil kulang sa requirements ang mga ito.
Hindi kinagat ng LTFRB ang paliwanag ng Uber na ride sharing ang konsepto nila kaya’t hindi na kailangan ng tig-isang prangkisa para sa lahat ng sasakyang papasok sa kanilang sistema.
Pinuna ni Lizada na hindi na maituturing na ride sharing lamang kung ang isang tao na nabigyan ng accreditation ng Uber ay mayroong mahigit sa isang sasakyan.
“The business design of Grab and Uber is supposed to be 1 is to 1 dapat, pinag-aaralan ngayon baka puwedeng 1 is to 2 kasi nga coding, we don’t see any problem if they stick to their business design na ang may-ari ang magda-drive, hindi kayo magiging kumpetensya ng mga taxi, meron ngang 1 is to 60, 1 is to 70, meron silang ganun, sabi nga namin, please define ride sharing, at gusto namin may level of accountability.” Pahayag ni Lizada
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)