Mas malala ang problema ng Metro Manila sa kawalan ng sewerage system na dahilan kaya’t matindi ang polusyon sa Pasig river at Manila bay.
Ayon kay Atty. Patrick Ty, chief regulator ng MWSS o Metro Manila Waterworks and Sewerage System, posibleng sampung beses na malala ang sitwasyon sa Metro Manila kumpara sa Boracay island na pinagpla-planuhang isara para sa rehabilitasyon.
Sinabi ni Ty na 14 na porsyento lamang ng kinakailangang sewerage treatment plants ng Metro Manila ang gumagana para sa 16 na milyong residente.
Dahil dito, diretso na aniya sa Pasig river o sa Manila bay ang lahat ng dumi mula sa mga tahanan dahil halos wala namang planta na maglilinis nito.
Maliban sa maduming tubig at mga nabubulok na basura mula sa mga tahanan at industriya, problema rin aniya ang solid wastes tulad ng diapers, sapatos at iba pang mga basura na itinatapon sa Manila bay at Pasig river.
Sa ngayon, sinabi ni Ty na nakikipag-usap sila sa Maynila at Manila water para sa tuloy tuloy na paglalagay ng sewerage system sa Metro Manila na nakakabit sa mga treatments plants na maglilinis naman sa maduming tubig bago padaluyin at itapon sa Pasig river at Manila bay.
Batay aniya sa pagtaya, aabot ng 20 taon bago makumpleto ng 100 porsyento ang kailangang sewerage system ng Metro Manila na gagastusan ng halos 200 bilyong piso.
Sa isang Supreme Court decision, binibigyan ang Manila Water at Maynilad na kumpletuhin ang sewerage system ng Metro Manila hanggang 2037.