Pinai-imbestigahan sa Senado ni Senator Sherwin Gatchalian ang ilang taon nang problema ng mga residente sa power interruption sa Occidental Mindoro.
Ayon kay Gatchalian, mas lalo lang nitong pinahihirapan ang mga residente dahil maging ang mga negosyo sa lalawigan ay apektado na.
Sinabi ng Senador na kung magpapatuloy ang pagkaantala sa suplay ng kuryente sa nabanggit na lugar, may posibilidad na maapektuhan din ang mga mag-aaral sa kanilang pagpasok sa mga eskwelahan.
Matatandaang tumigil ang Occidental Mindoro Consolidated Power Corp. (OMCPC) sa pagsusuplay ng kuryente sa Occidental Mindoro Electric Cooperative Inc. (OMECO) noong Hunyo a-25, matapos mapaso ang kontrata nito sa nasabing kooperatiba pero agad namang naibalik ang serbisyo nito noong nakaraang Lunes.
Nabatid na inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang isang Power Supply Agreement (PSA) sa pagitan ng OMECO at OMCPC, upang makapagbigay ng kaukulang suplay at maiwasan ang rotational brownouts dahil maaapektuhan nito ang aabot sa 240,887 na mga kabahayan sa Occidental Mindoro.
Sa ngayon, nakatakdang maghain ng resolusyon si Gatchalian, upang isulong na imbestigahan ng Senate Committee at matugunan ang power situation sa nasabing lalawigan.