Binalaan ni Land Transportation Office officer-in-charge at concurrent Executive Director, Atty. Romeo vera cruz ang mga fixer na patuloy na nag-ooperate sa ahensya na ipakukulong ang mga ito.
Banta ito ni Vera Cruz matapos mahuli kamakailan ang isang grupo ng online fixers, na nag-aalok ng non-appearance renewal ng rehistro ng sasakyan sa pamamagitan ng online payment at meet-up.
Tinututukan na anya ng LTO-Investigation and Intelligence Division na pinamunuan ni dating DOTr Director for Investigation Service Renante Melitante at Quezon City-Diliman Anti-Cybercrime Team sa pangunguna ni Michael Bernardo ang kampanya laban sa LTO fixers.
Nasa kustodiya naman ng QC-DACT ang mga suspek na nakatakdang isailalim sa inquest proceedings sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Nabunyag ang modus ng grupo nang makipag-transaksiyon ang miyembro ng LTO-QC-DACT joint task force sa mga suspek para sa non-appearance renewal ng sasakyan sa pamamagitan ng Messenger app.
Pinayuhan naman ni Vera Cruz ang mga kliyente ng LTO na diretsong magtungo sa kanilang tanggapan at hindi sa kaduda-dudang social media accounts at indibidwal para sa kanilang proteksiyon.