Tiniyak ng Philippine National Police o PNP na mananagot ang sinumang tauhan ng finance department ng PNP na nakikipag-sabwatan sa mga lending companies na nagpapa-utang sa mga pulis.
Ayon kay Chief Superintendent John Bulalacao, Spokesman ng PNP, kabilang ang anggulong sabwatan sa ipinapasilip ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa.
Gayunman, kinumpirma ni Bulalacao na lehitimo naman ang mga financial institutions na inirereklamo ng mga pulis.
Ipinaliwanag ni Bulalacao na posibleng hindi lamang naintindihan ng ilang pulis kung bakit bigla na lamang may panibagong kaltas sa utang sa kanilang sahod.
“Kapag lahat ng lending institutions na pinagkautangan niya ay sabay-sabay na mangongolekta ay wala na siyang maiuuwing suweldo so kapag ganun ang mangyayari magkakaroon lang ng prioritization on a first come first serve basis, doon ngayon nagkakaproblema kasi nagugulat itong mga pulis natin dahil syempre all the while akala nila nagbabayad sila samantalang hindi naman pala tapos bigla na namang magkakaroon sila ng deductions.” Pahayag ni Bulalacao
(Ratsada Balita Interview)