Unti-unti nang naiibsan ang problema sa presyo ng bigas sa Zamboanga City.
Ito ang inihayag ni Zamboanga City Mayor Isabelle Climaco – Salazar kasunod ng pagdedeklara ng state of calamity sa lungsod.
Ayon kay Climaco, nakita sa ginawang pag-iikot ng price monitoring team ng pamahalaang panglungsod ng Zamboanga na may sapat nang supply ng bigas sa mga merkado.
Sinabi ni Climaco, bagama’t naglalaro pa rin sa 56 hanggang 72 pesos ang presyo ng kada kilo ng commercial rice sa Zamboanga City, bumaba naman sa 32 pesos kada kilo ang presyo ng NFA rice.
“Tinignan namin ‘yung isang bodega at warehouse nakita namin ang supply ng bigas na available na sa merkado at unti-unti nang bumabalik sa normal ang presyo ng bigas although pumapatak pa rin ito for commercial rice at P66-P72, sinabi din po ng NFA na ang price ng NFA rice na dating P42 from August 11 to 14 ngayon nakita natin na bumababa na sa P32.” Ani Salazar
Sinabi ni Climaco, partikular na nakatulong sa unti-unting pagbabalik sa normal ng presyo ng bigas ang pagdating na sa Zamboanga ng mga inangkat na bukas mula India gayundin ang suplay mula sa National Food Authority o NFA.
“Hindi po kami talaga rice producing city kumukuha tayo ng bigas from other parts of the Philippines, ngayon galing ang bigas from Isabela province, at meron din na galing India, part of Duterte’s program, nakarating na ‘yan at 100,000 sacks. Ang daily need ng Zamboanga is at 6,000 at ang NFA will also provide 40,000 to 50,000.” Pahayag ni Salazar
Supply ng bigas sa lungsod dodoblehin
Dodoblehin ng National Food Authority o NFA ang mga ipadadalang suplay ng bigas sa Zamboanga City.
Kasunod ito ng ulat na umabot na sa 60 hanggang 70 pesos ang presyo ng kada kilo ng bigas sa nabanggit na lungsod.
Paglilinaw ni NFA Spokesperson Rex Estoperez, hindi nawalan ng stocks sa NFA rice sa Zamboanga City.
Gayunman, malaki aniya ang naging epekto sa suplay at presyo ng commercial rice sa nasabing lungsod nang matigil ang pagpasok ng bigas mula Malaysia sa pamamagitan ng back door entrance.
“Ang problema sa smuggling dati nang nagyayari ‘yun, ‘yung nanggagaling sa Malaysia na bigas eh nasanay sila sa ganun biglang nagsara, nawala hindi naglabas ang Malaysia tayo ang nawalan ngayon ng supply, ang NFA nagpunta doon si administrator at pinadoble niya ‘yung allocation doon, ngayong weekend may darating na 180,000 sacks para sa Zamboanga.” Ani Estoperez
Kasabay nito, tiniyak din ni Estoperez na hindi matutulad sa Zamboanga City ang iba pang mga lugar sa bansa.
Tolentino Online Interview / Balitang Todong Lakas Interview