Umapela si dating senador Nikki Coseteng sa gobyerno na resolbahin na ang problema sa pampublikong transportasyon.
Sa isang forum, isinisi ni Coseteng, na naging Senate Committee on Public Services chairperson, kay transportation secretary Arthur Tugade ang nararanasang pasakit ng mga mananakay.
Hinamon pa ni Coseteng si Tugade na mag-commute sa loob ng 30 araw at pupusta siya ng 2 million pesos upang mabatid kung gaano kalaki ang perhuwisyo sa public transport system ng bansa.
Kasama ni Coseteng sa forum sina transport planner Robert Siy at activist Dom Hernandez na nanawagan namang pigilan ang pagkalat ng sangkatutak na colorum na sasakyan at ibalik ang mga public bus sa EDSA at mga dating ruta sa Metro Manila patungo at pabalik ng mga probinsya.
Iginiit ng dating mambabatas na napeperhuwisyo ang mga mananakay dahil sa pagkalagas ng malaking bilang ng mga lehitimong bus sa NCR at mga lalawigan at pagpapahintulot sa mga colorum na gamitin ang mga ruta ng mga bus at maningil ng napakataas na pasahe.
Sa katunayan anya ay bumaba na lamang sa sampung porsyento ang mga bumibiyaheng bus mula sa mga lehitimong kumpanya, kaya’t nagkaroon ng demand sa colorum vehicles, na walang ambag sa gobyerno dahil bahagi ang mga ito ng underground economy.
Samantala, habang papalapit ang sinasabing “pandemic endgame” dahil sa tumataas na vaccination rate, inihayag ni Hernandez, first nominee ng Pasada Party List, na dapat nang payagan muli ang mga provincial bus sa EDSA bilang isa sa mga paraan kontra sa problema sa transportarsyon.
Kinatigan naman ito ni Siy, miyembro ng Move As One Coalition, na ipinaliwanag ang pangangailangang gamitin ang higher-capacity vehicles at public transport sa lahat ng pangunahing kalsada bilang preparasyon sa economic recovery.