Lumang tugtugin na umano ang mga naging akusasyon ni dating presidential spokesman Atty. Harry Roque sa mga maanomalyang remittances ng Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth.
Iyan ang tugon ni Atty. Rodolfo Del Rosario, Senior Vice President na siya ring information technology head ng Philhealth sa sinasabing modus ni Roque sa loob ng ahensya kung saan hindi nakararating dito ang mga remittance na inilalagak ng mga pribadong kumpaniya.
Ayon kay Del Rosario, 2012 pa nang madiskubre nila ang nasabing problema sa IT system ng ahensya kung saan, aabot sa 100 milyong piso ang nalugi sa kanila kaya’t agad na iyong inaksyunan at naisaayos upang mabura ang mga pagdududa ng publiko.
Nang maupo si Del Rosario bilang IT head, agad niyang ipinag-utos ang pag-audit gayundin ang pagsusuri sa proseso kung paano nila ginagampanan ng maigi ang kanilang trabaho at mahuli kung sino ang gumagawa ng kalokohan sa ahensya.