Mayorya ng mga kandidato sa pagkapangulo ang naniniwala na ang maayos na edukasyon, suporta ng pamilya at pakikipagtulungan sa simbahan ang kailangan upang maresolba ang teenage pregnancy sa Pilipinas.
Sa ginanap na Presidential forum ng Catholic Bishops’ Conference Of The Philippines (CBCP), sinabi ni Labor Leader Leody De Guzman na mahalaga ang maayos na pagtuturo upang maiwasan ang maagang pagbubuntis.
Sinuportahan ito ni Vice President Leni Robredo na idinagdag na kailangang masolusyunan agad ang teenage pregnancy na malaking problemang kinakaharap ng bansa.
Importante naman kay Senator Manny Pacquiao ang pamilya na nagpapalaki sa mga bata, dahil sila ang magmumulat sa mga ito kung ano ang tama at mali.
Hindi naman option para kay dating Defense Secretary Norberto Gonzales ang pagpapalaglag para solusyunan ang teenage pregnancy. – sa panulat ni Abby Malanday