Hinikayat ng grupong Bayan Muna ang Kamara na magsagawa ng pagsisiyasat kaugnay sa mga problemang inilalapit ng mga pensyonado ng Social Security System (SSS) hinggil sa muling pagpapatupad ng programang Annual Confirmation of Pensioners o ACOP.
Batay sa resolusyon, inirereklamo ng ilang mga pensyonado ang proseso para sa requirements sa ACOP tulad ng kawalan ng drop boxes sa ilang mga branch ng SSS gayong hanggang March 31 na lamang ang deadline ng pagpapasa ng mga ito.
Paliwanag naman ng SSS na dahil anila ito sa limitado lamang ang bilang ng walk-in appointments na kanilang tinatanggap.
Giit pa ng Bayan Muna, tila kulang sa pagpapakalat ng impormasyon ang SSS kaugnay rito na nagdudulot ng pagkalito, pangamba at dagdag pahirap sa mga pensioner.
Ang acop ay isang programa ng SSS kung saan kinakailangang magpasa ng kaukulang requirements ang mga pensyonado kada taon upang matiyak na aktibong nakatatanggap pa ang mga ito ng buwanang pensiyon.
Pansamantalang ipinatigil ang programa noong March 2020 hanggang September 30,2021 bilang pag-iingat sa banta ng COVID-19, at muling ipinagpatuloy noong Oktubre ng nakalipas na taon.—mula sa ulat ni Tina Nolasco (Patrol 11)