Posibleng sa mga processed meat products nagmula ang unang kaso ng African Swine Fever (ASF) sa Visayas.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na ito ang nakikita nilang dahilan kung bakit umabot na sa Visayas, partikular na sa Abuyog sa bayan ng Leyte, ang naturang sakit sa mga alagang baboy.
Aniya, nitong nagdaang holiday season ay maraming mga residenteng nag-uwian ng probinsya mula sa Metro Manila na posibleng nagdala ng mga processed meat products gaya ng tocino, longganisa, o mga hindi lutong-luto na produkto ng karne.
Posible aniyang kontaminado ang mga naturang produkto na naipakain sa mga alagang baboy dahilan para magkasakit ang mga ito.
Yung mga hindi lutung-luto. Tocino, longganisa, ‘yun ang nakikita po namin na source,” ani Dar.
Kaagad naman aniya silang nagkasa ng mga quarantine checkpoints makaraang makumpirma ang kaso ng ASF sa lugar.
Ngayon may naisagawa na tayo na quarantine checkpoints para hindi na makalabas ito,” ani Dar.
Samantala, pinaigting din, anang kalihim, ang pakikipag-ugnayan ng Department of Agriculture sa mga lokal na pamahalaan upang ma-monitor ang lagay ng hog industry sa Visayas at maiwasan na ang pagkalat pa ng ASF. —sa panayam ng Ratsada Balita