Kasabay ng opisyal na pagsisimula ng campaign period para sa national positions bilang bahagi ng 2022 elections kahit may Covid-19 pandemic, aarangkada na rin ngayong araw ang kaliwa’t kanang proclamation rallies ng mga presidential, vice presidential at senatorial candidate.
Ala singko y medya mamayang hapon magsisimula ang proclamation rally nina Vice President Leni Robredo at Senador Francis “Kiko” Pangilinan kasama ang kanilang mga senatorial bet sa Magsaysay Avenue, Naga City sa Camarines Sur.
Lalarga naman ang aktibidad nina Senators Panfilo Lacson at Vicente “Tito” Sotto III sa Imus Grandstand, Cavite mamayang ala singko ng hapon.
Alas tres mamayang hapon isasagawa nina Senator Manny Pacquiao at Buhay Partylist Rep. Lito Atienza ang kanilang aktibidad sa General Santos City.
Alas kwatro y medya sisimulan nina Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Dr. Willie Ong ang kanilang proklamasyon sa Bonifacio Shrine, sa Lawton, Maynila.
Ilulunsad naman nina dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte – Carpio ang kanilang aktibidad sa Philippine Arena sa Santa Maria, Bulacan mamayang alas kwatro ng hapon.
Samantala, ala sais hanggang alas nwebe ng gabi ang proclamation rally nina labor leader Leody de Guzman at dating Akbayan Partylist Rep. Walden Bello sa Bantayog ng mga Bayani, sa Quezon City.