NARARAPAT na maimbestigahan ang napipintong pagbili ng Department of National Defense (DND) ng may 36,000 striker-fired pistols na may badyet na P1.7 billion.
Ito’y dahil na rin sa kaliwa’t kanang agam-agam sa nangyaring proseso ng Bids and Awards Committee (BID) at ng Technical Working Group (TWG) sa bidding o pagpili ng supplier nito.
Overpriced o masyadong mahal umano ang presyo ng bawat piraso ng baril .
Sa nakalap na bid document, aabot sa P49,500 ang kada piraso nito, gayong nasa P22,000 lang o halos doble ang presyo nito kung ikukumpara sa halaga sa ilang establisimyento.
Sinasabing kahina-hinala din ang ginawang paghihigpit ng BID sa mga requirements para sa bidding process dahil tila ipinipilit ang mga alumium/carbon steel striker-fired pistols dahilan upang madehado ang ilang supplier.
“Bakit ipinipilit ng Bid and Awards Committee na gumamit ng aluminum/carbon steel striker- fired pistol gayong hindi naman ito ginagamit ng alinman sa military na kabilang sa North Atlantic Treaty Organization (NATO) dahil hindi ito subok sa ganitong uri ng mga baril,” ayon sa isang insider.
“Napapakamot ulo rin kami dahil walang malinaw na scientific at independent laboratory test para siguraduhin talagang 7075-T6 Aluminum o Carbon Steel ang gagamiting materyales sa mga baril,” dagdag nito.
Maraming komplikadong tungkulin umano ang militar para maproteksyunan ang mga Pinoy at bayan, kaya naman dapat masigurong de-kalidad at hindi pipitsugin ang mga armas na bibilhin para sa kanila.
Ayon sa insider, mahalagang malaman ng publiko ang ganitong uri ng transaksyon sa loob ng kagawaran at nararapat ding maibulgar kung sino ang nasa likod nito.
Kailangan din umanong maitama ito para sa kapakanan na rin ng mga sundalo.