Ipinanawagan na ng grupong Philippine Maize Federation (Philmaize) ang pagaangkat ng mais dahil sa patuloy na pagbagal at pagbaba ng produksyon nito sa nakalipas na ilang taon.
Ayon kay Philmaize President Roger Navarro, hindi na sapat ang corn production para sa lumalaking demand ng feeds manufacturing.
Bagaman naiintidihan naman nila sa industriya na kailangan nang mag-import, dapat anya itong isagawa kaakibat ang tamang buwis at regulasyon.
Ipinunto ni Navarro na noon pa naman pinayagan ng World Trade Organization ang Pilipinas na mag-angkat ng corn at corn substitutes sa pamamagitan ng feed wheat pero kailangang magbayad ng buwis.
Animnapu hanggang pitumpung porsyento ng ingredients para sa produksyon ng animal feeds ay nagmumula sa mais.
Nasa 5.7-M metric tons naman ang produksyon ng yellow corn habang 2 point 5 million metric tons ang white corn. —Sa panulat ni Drew Nacino