Posibleng matapyasan ang produksiyon ng palay sa susunod na cropping season dahil sa pagdadalawang-isip umano na magtanim ng mga magsasaka sa Nueva Ecija at Pangasinan, na kabilang sa malalaking rice producer ng bansa.
Posibleng tumigil ang ilang magsasaka sa pagtatanim sa Mayo dahil sa taas ng production cost, partikular sa fertilizer, pasahod sa manggagawa at produktong petrolyo.
Ayon kay Oftociano Manalo, pangulo ng grupong Pambansang Mannalon-Maguuma, Magbabaul, Magsasaka ng Pilipinas o P4MP, 40% ng mga magsasakang kasapi nila ang nagpahiwatig ng alinlangan sa pagtatanim.
Problema rin umano ang pabago-bagong panahon kaya’t hindi nila maaasahan ang ulan sa pagtatanim at kung magtatanim man anya sila, maaaring pangsariling konsumo na lamang nila ito.
Bukod sa mga mangingisda at corn farmers, hiniling din ng grupo sa pamahalaan na bigyan sila ng fuel subsidy, dahil pare-pareho naman anya silang apektado ng walang prenong oil price hike.
Una nang inihayag ng Department of Agriculture na hiwalay ang programa para sa rice farmers at may nakalaang 5,000 pesos na ayuda.