Aarangkada na ang maraming produksyon ng sariling personal protective equipment (PPE) ang Pilipinas pagkatapos ng Semana Santa.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, sa pamamagitan ito ng partnership ng Department of Health (DOH) at ng pribadong sektor.
Aprubado na aniya ang prototype ng PPE overalls na dinisenyo ng pribadong sector at sinuri naman ng DOH at ng PGH.
Sinabi ni Nograles na ang disenyo ng gagawing PPE ay kayang tumagal sa mga high COVID risk situations tulad ng sa operating rooms at ICU’s.
Nakatakdang dumating anumang araw sa linggong ito ang raw materials at sisimulan agad ang produksyon sa susunod na linggo.
10,000 PPE’s ang kaya umanong i-produce ng mga pinagsanib na mga kumpanya kada araw.
Dahil dito, inaasahang mareresolba na ang pangunahing problema ng kawalan ng PPE’s na isa sa mga dahilan kung bakit maraming doktor na ang nasawi matapos mahawa ng COVID-19 sa kanilang mga pasyente.