Kasado na ang programa ng Metro Pacific Tollways Corporation o MPTC kaugnay sa paggunita ng araw ng mga patay.
Ipinabatid ng MPTC ang paggulong muli ng programa nilang “Safe Trip Mo, Sagot Ko” sa NLEX, SCTEX at Cavitex ngayong undas.
Ang nasabing programa ay ayuda nila sa mga motorista para sa maayos na traffic management at toll collection services tuwing holiday.
Nakipag-ugnayan na ang MPTC sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Transportation (DOTr), Department of Public Works and Highways (DPWH), Land Transportation Office (LTO), Philippine National Police (PNP), Metro Manila Development Authority (MMDA) at Transportation Research Board (TRB) gayundin sa lokal na pamahalan para sa naturang programa.
Ipinabatid pa ng MPTC na mula Oktibre 27 hanggang Nobyembre 6, ang mga tauhan ng NLEX at SCTEX ay tututok sa inaasahang pagdagsa ng mga sasakyan partikular sa Balintawak, Mindanao Avenue, Bocaue, Sta. Ines, Tarlac at Tipo toll plazas.
Magde-deploy din ang MPTC ng dagdag na patrol at incident response teams para mabilis na maka responde sa mga motorista.
Kasabay nito, inihayag ng MPTC na suspendido simula Oktubre 27 ang lahat ng mainline road works sa NLEX at SCTEX, at ibabalik lamang matapos ang Association of Southeast Asian Nations o ASEAN Summit sa Nobyembre 16.