Inilunsad ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang kanilang programang #disipliNAIA na layuning mabago ang mga maling pag-uugali ng mga pasahero sa paliparan.
Sa ilalim nito, ipatutupad ang ilang simple pero mahigpit na polisiya tulad ng maayos na pagpila sa mga check-in counters, baggage carousel, boarding gate at immigration counters.
Gayundin ang hindi paglagpas sa itinakdang yellow line, pagpulot ng mga basura o kalat at pag-aalis ng mga bagaheng ipinapatong sa mga upuan.
Ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal, target nila sa kampanya ang maipaalala sa mga pasahero ang tamang disiplina at pagrespeto sa kapwa nang hindi na kinakailangan pang pagsabihan.
Bagama’t aminado si Monreal na mahihirapan silang baguhin ang mga nakasanayan nang kultura ng mga Pilipino sa disiplina, umaasa pa rin ang opisyal na makikipagtulungan ang lahat para maging matagumpay ang #disipliNAIA.
Samantala, nilinaw naman ni Monreal na wala silang planong magpalabas ng memo at parusa o multa sa mga lalabag sa kanilang polisiya sa disiplina sa paliparan.