Inilunsad na rin ng DILG o Department of the Interior and Local Government sa Marikina City ang programang #DisiplinaMuna at Safe Philippines Project.
Ito’y kasunod na rin ng patuloy na kampaniya ng Administrasyon na linisin ang mga lansangan sa anumang nakahambalang gayundin ay itaguyod ang isang maayos at mapayapang pamayanan.
Pangungunahan mismo ni DILG Secretary Eduardo Año ang launching kasama si Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, mga opisyal ng DILG gayundin ang mga Alkaldeng bumubuo ng Metro Manila Council.
Ikalawa ang Marikina sa mga lungsod sa Metro Manila na naging pilot Cities ng DISIPLINA MUNA sunod sa Maynila dahil sa pagiging huwaran nito sa pagtataguyod ng kaayusan at mahigpit na pagpapatupad ng disiplina sa kanilang mga mamamayan.
Kasunod nito, nagpasalamat naman si Marikina City Mayor Marcelino Teodoro sa pagkakapili sa kanilang lungsod para pagsimulan ng nasabing programa.
Ipinagmalaki pa ni Teodoro na wala pa man ang nasabing programa, nakaugat na sa mga Marikeño ang pagiging disiplinado, maayos at tahimik na komunidad.
Magugunitang nanguna ang Marikina City sa mga lugar sa Metro Manila na nakasunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik ang mga bangketa sa publiko at linisin sa anumang sagabal ang mga kalsada.
Pinapurihan naman ni Año ang ginagawang hakbang ng Marikina at nais niya itong gawing huwaran sa iba pang mga Lalawigan, Lungsod at Bayan sa buong bansa.