Asahan na lalong pag iibayuhin ng Pamahalaang Lokal ng San Jose del Monte City (SJDMC) sa Bulacan ang mga programang magbibigay kapangyarihan sa kanilang mga mamamayan.
Ito ang tiniyak ni SJDM Mayor Arthur at Representative Rida Robes makaraang ilunsad kamakailan ang isang proyekto na kumikilala sa mga senior citizens sa lungsod na pinamagatang “Si Lolo at Lola ng Buhay Ko”.
Sa ilalim ng nasabing programa, magbibigyan ang mga senior citizens ng SJDM ng munting regalo tuwing sasapit ang kanilang kaarawan.
Yung ating mga seniors ay maituturing na asset ng ating siyudad. Dapat din natin silang pahalagahan dahil sa mga naiambag nila para sa pagsibol ng SJDM,” sabi ni Mayor Robes.
Ayon naman kay Rep. Rida, isa lamang paraan ang nasabing programa upang ipaabot ang munting pasasalamat para sa mga tinaguriang nakatatanda ng bayan.
Itong programa din po ay pasasalamat sa ating mga lolo at lola sa kanilang mga nagging sakripisyo. Kaya nais namin na sila naman po ang mapasaya sa kanilang kaarawan. Ito ay dagdag lamang sa lahat ng serbisyo na binibigay ng SJDM para sa mga senior citizens.”
Kilala ang mag-asawang Robes na magkatuwang sa pagbibigay ng serbisyong may puso na naghahatid ng pag-asa para sa bawat pamilyang San Joseño.
Bukod sa “Si Lolo at Lola ng Buhay Ko,” marami na silang naipatupad at ipapatupad pang mga programa para sa mga taga-SJDM.