ISUSULONG ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ang paglikha ng isang internet-based Disaster information Roadmap bilang bahagi ng kanyang programa para protektahan ang kalikasan at mga mamamayan mula sa masamang epekto ng mga kalamidad, matapos siyang manalo sa halalan sa Mayo 9.
Sa pahayag, sinabi ni Marcos na plano niyang gayahin ang United Nation Disaster Risk Reduction (UNDRR) kung saan meron itong komprehensibong impormasyon sa lahat ng disaster risk situation at analysis.
Kabilang dito ang hazard, exposure, vulnerability at capacity na may kaugnayan sa tao, komunidad, organisasyon ng mga bansa at mga asset nila.
Plano rin ni Marcos na ipatupad ang naturang roadmap sa pamamagitan ng internet para masigurong kakalat ito at makararating sa lahat ng panig ng bansa.
“This is very important to protect our environment as we institute program to balance economic gains and environment,” sabi ni Marcos.
Sa UNDRR, kabilang sa disaster risk information ang lahat ng pag-aaral, impormasyon at mapping na kailangan para maintindihan ang disaster risk at iba pang mga epekto at dapat gawin ukol dito.
Kamakailan lang ay inihayag ni Marcos na bahagi ng kanyang prayoridad ang protektahan at i-preserba ang kalikasan kasabay ng paggiit na isusulong niya ang mga programa na magbabalanse sa pag-unlad ng ekonomiya at pangangalaga sa kalikasan.
“Nature has its rights that should be protected. It should be allowed to flourish, reproduce and attain its abundance side by side with human civilization in perfect balance and harmony with our growing communities. We should do this if we want to safeguard the most vulnerable members of our society from the onslaught of natural calamities,” ayon sa pahayag ni Marcos.
Kabilang sa kanyang programa ay ang paglikha ng Department of Disaster Resilience na katulad ng Federal Emergency Management Agency (FEMA) sa Estados Unidos, bilang epektibong modelo para sa disaster resilience na naglalayong kumonekta sa iba’t ibang sangay ng ahensya.
Isusulong din niya ang reforestation at pagpapatupad ng mas istriktong batas para sa anti-illegal logging kasabay ng paglikha ng industrial forest plantations para mag-supply sa local market demand ng kahoy.
Sa pagmimina naman, iginiit ni Marcos na ipatutupad ng kanyang administrasyon ang maayos na pakikipag-ugnayan sa lahat ng mga stakeholder para masigurong hindi ito maabuso at sa halip ay makatutulong ito sa muling pagbangon ng bansa mula sa pandemya.
Plano rin niyang lumikha ng Department of Water and Resources Management, para masiguro na ang malinis at ligtas na tubig ay nakaaabot sa lahat ng Pilipino.
Kabilang din sa tutugunan niya ang problema sa solid waste management kasama na rito ang “waste to energy programs” na dapat ay masigurong magbibigay ng kita sa bawat mamamayan at pamayanan.
Isusulong din ng kanyang gobyerno ang paglikha ng isang ecology-based Disaster Risk Reduction program na maglalayong proteksyunan ang kalikasan.