Kinumpirma ni Special Assistant to the President Secretary Bong Go na pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang proklamasyon na nagdedeklara ng state of calamity sa buong isla ng Boracay kasabay ng pagsisimula ng 6-month closure nito.
Ayon kay Go, welcome sa kanya ang pagkakalagda ni Pangulong Duterte sa proklamasyon ng state of calamity sa 3 barangay ng Boracay at ang temporary closure ng buong isla na kilalang tourist destination sa mundo.
Ngayon aniya, maari nang simulan ang trabaho at rehabilitasyon ng buong isla ng Boracay.
Pahayag ni Go, nakalatag na ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa isla para mas mapadali at mas mapabuti ang gagawing rehabilitation effort at makakaasa aniya ang lahat na patuloy ang ibibigay na suporta at ayuda ng kanyang tanggapan para muling maibalik ang dating ganda ng kalikasan sa Boracay.
Muli namang nanawagan si Go sa mga residente at mga establishment owners sa isla na makiisa at suportahan ang hakbanging ito ng pamahalaan upang matiyak na hindi na muling mababalahura ang Boracay.
Umaasa rin si Go na makikipagtulungan sa pamahalaan ang mga naninirahan sa Boracay para tiyak na mapangalagaan ang inang kalikasan.
LOOK: Proclamation No. 475, Declaring a State of Calamity in the Barangays of Balabag, Manoc-Manoc, and Yapak (Island of Boracay) in the Municipality of Malay, Aklan, and Temporary Closure of the Island as a Tourist Destination. pic.twitter.com/VE3Rkcj5yl
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) April 26, 2018