Posibleng pagsabayin na ng Commission on Elections (Comelec) ang proklamasyon para sa lahat ng mga nanalong kandidato sa pagka-senador gayundin sa mga party-list group.
Ito’y ayon kay Comelec Spokesman Dir. James Jimenez bagama’t nilinaw nito na hindi pa pinal ang kanilang pasya hinggil dito at hindi pa rin napaplantsa ang kanilang schedule.
Paliwanag ni Jimenez, kailangan pa kasing kuwentahin ang boto para sa mga party-list group para matukoy kung ilang posisyon ang ilalaan sa kanila sa Kongreso.
Ang Comelec ang umuupo bilang National Board of Canvassers (NBOC) na siyang nagbibilang ng boto mula sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.
Ilang party-list group umapela
Pinasususpinde ng ilang party-list group sa Commission on Elections (Comelec) ang proklamasyon para sa mga nanalong party-list nitong nakalipas na Hatol ni Juan 2019.
Ito’y ayon sa mga grupong Append, Partido Lakas ng Masa, Murang Kuryente at Ang Nars ay dahil sa naging pagpalya ng mga vote counting machines (VCMs), sirang digital o SD cards, pagkaka-antala sa transmission ng election returns at pitong oras na glitch sa transparency server.
Paliwanag ni Atty. Aaron Pedrosa ng Partido Lakas ng Masa na kanilang hinihiling sa poll body na bigyan sila ng access sa automated election system maging ng audit logs upang masilp kung naging maayos ba ang transmission ng election results.
Naniniwala si Atty. Romel Bagares ng append na kailangan ito upang malinis ang pagdududa ng publiko hinggil sa resulta ng nakalipas na halalan.