Bigo sa kanyang apela ang isang propesor na dumulog sa Korte Suprema matapos sibakin ng Saint Louis University (SLU) dahil wala itong master’s degree.
Batay sa desisyon, kinatigan ng Supreme Court ang hatol ng National Labor Relations Commission (NLRC) at Court of Appeals sa kaso ni Fe Burcio na naghain ng illegal termination laban sa SLU nang alisan ito ng full teaching load noong 2012.
Ayon sa mataas na hukuman, malinaw sa Collective Bargaining Agreement (CBA) ng unibersidad na hindi maaaring bigyan ng permanent employment status ang isang propesor hangga’t hindi nakakumpleto ng masteral degree.
Giit pa ng mga mahistrado, bagama’t walang nakasaad na resignation ay malinaw din sa isang liham ni Burcio sa SLU na siya mismo ang kumalas sa unibersidad nang tanggihan niya noon ang inalok nitong labinlimang units na teaching load kahit wala pa itong master’s degree.