Kinuwestiyon sa Senado ang ilang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa 2020 na nagkakahalaga ng mahigit P-2-bilyon.
Sa pagpapatuloy ng deliberasyon ng Senado sa pondo ng DPWH sa susunod na taon, sinita ni Senador Panfilo Lacson ang dobleng pondo para sa pagpapagawa ng Kennon road.
Aniya, may nakalagay na hindi detalyadong proyekto para sa Kennon road na nagkakahalaga ng mahigit P500-milyon habang may nakahiwalay ring proyekto sa parehong kalsada na nagkakahalaga naman ng P76-milyon.
Sinilip din ni Lacson ang mga gagawing tulay sa Ilocos Sur na nagkakahalaga lamang ng kalahating milyong piso, mga proyekto sa mga kalsada sa iba’t ibang bahagi ng bansa na kulang-kulang sa detalye at ang dalawang drainage project sa Valenzuela City.
Samantala, ipinaliwanag naman ni DPWH Secretary Mark Villar na kinapos lamang sila ng oras kaya naging magulo ang mga inihaing plano ng mga proyekto ng ahensiya.
Nangako naman si Villar na aayusin at muling isusumite sa Senado ang planong proyekto para sa susunod na taon.