Inaaasahang maipe-presenta na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address o SONA sa Hulyo ang rekomendasyon ng consultative committee (Con-Com) para sa isinusulong na pagpapalit ng Saligang Batas patungo sa federalismo.
Pahayag ito ni Con-Com member at dating Senate President Aquilino ‘Nene’ Pimentel kasunod ng ulat na nakatakda na nilang isumite kay Pangulong Duterte ang nabuo nilang rekomendasyon.
Sinabi ni Pimentel na kabilang sa mga inirekomenda ng komite ay ang mabigyan ng mataas na kuwalipikasyon ang mga nais manilbihan sa gobyerno mula sa mga opisyal ng barangay hanggang sa pagka-Pangulo ng bansa.
Sa ganitong paraan aniya ay makatitiyak ang publiko na magagampanan ng mabuti ng mga iluluklok nilang opisyal ang kanilang tungkulin at hindi magpapabaya ang mga ito sa kanilang trabaho.
Pagpapalit ng sistema ng pamahalaan ikinabahala ng mga negosyante
Samantala, nangangamba naman ang mga negosyante sa isinusulong na hakbang ng pamahalaan hinggil sa pagpapalit ng uri ng pamahalaan mula presidential patungong federal.
Ayon sa PCCI o Philippine Chamber of Commerce and Industry, posibleng hindi magamit ng tama ang mga alokasyong pondo sa mga rehiyon sa ilalim ng bagong sistema.
Sinabi ni PCCI Auditor Benjamin Punongbayan wala aniya silang nakikitang accountability sa iba’t ibang rehiyon na paglalanan ng pondo na ibibigay ng central government.
Pero ayon kay Sub-Committee on Economic Reforms Chairman Arthur Aguilar na miyembro ng binuong Consultative Committee for Charter Change na mismo ang Pangulo aniya ang mangunguna para sa bubuuing transition commission hinggil dito.
—-