Aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang P4.506- trilyong pambansang pondo para sa taong 2021.
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), inaprubahan ito ng pangulo matapos i-presenta ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa pulong noong Huwebes, Hulyo 30.
Kasunod nito, isasapinal na ng DBM ang 2021 National Expenditure Program at iba pang dokumento na kanila namang isusumite sa Kongreso para himayin at aprubahan.
Mas mataas ng halos 10% ang panukalang national budget sa susunod na taon kumpara sa P4.1 trillion na pambansang pondo sa kasalukuyang taon.
Dagdag ng DBM, katumbas rin ito ng 21.8% na gross domestic product (GDP) ng bansa.
Bahagi pa rin anila ng panukalng national budget ang patuloy na pagtugon ng pamahalaan laban sa COVID-19 sa pamamagitan ng pagpapaganda ng health system, pagtiyak sa seguridad sa pagkain, dagdag puhunan sa public at digital infrastructure, at pagtulong sa mga komunidad na makabangon.