Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na gawing simple ang pagproseso sa claims ng mga miyembro.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ito ang naging pasiya ng Pangulo matapos ipatawag ang ilang opisyal ng PhilHealth para magpaliwanag sa mga naaantalang bayad sa ilang mga ospital.
Ani Roque, sa kalukuyan, binibigyan ng 60 araw ang PhilHealth sa pagproseso ng mga dokumento para sa claims.
Ito aniya ang nais na paiklin, isaayos at pasimplehin ni Pangulong Duterte upang mas maging madali para sa mga mahihirap na pasyente at hindi na tumagal pa ang pananatili sa ospital.
Sinabi ni Roque, nangako na si PhilHealth President Dante Gierran na ilalatag sa PhilHealth board ang naturang atas ng Pangulo.